Binuksan na ng Pateros ang walk-in vaccination nito sa kanilang mga residente.
Ayon kay Edgar Noel Castillo ng Pateros Public Information Office, sa mga nais na magpabakuna ay kailangan lamang magdala ng valid government ID na nagpapatunay na sila’y lehitimong residente ng Pateros.
Inaasahan naman na sa hakbang na ito ay mababakunahan na ang nasa 14,000 na mga taga-Pateros na hindi pa nakatatanggap nito.
Paliwanag ni Castillo, marami sa mga nagparehistro sa vaccination program ang hindi sumipot sa kanilang schedule habang ang iba naman ay nagkaproblema sa pagre-register online.
Samantala, bukas din ang pagbabakuna kontra COVID-19 sa mga hindi residente ng Pateros, pero kailangan ng mga itong magparehistro online bago mabigyan ng schedule.