Balik-Pilipinas na si Retired Police Official Wally Sombero, ang itinuturong middleman ng gambling tycoon na si Jack Lam.
Alas-8:55 kaninang umaga nang dumating si Sombero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2, sakay ng Philippine Airlines flight PR-119 mula Vancouver, Canada.
Kasama ang kanyang abogado, agad na idiniretso si Sombero sa Immigration Supervisor Office.
Sa eksklusibong panayam ng programang “Isumbong Mo Kay Tulkfo sa DWIZ”, sinabi ni Sombero na handing-handa na siyang humarap sa pagdinig ng Senado sa Huwebes, Pebrero 16.
Wala aniya siyang intensyon na takasan ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa P50-million bribery scandal na kinasasangkutan nina dismissed Immigration Deputy Commissioners Al Argosino at Michael Robles.
“Handang-handa ako, the truth will set me free, wala naman akong ibang ikukuwento kundi ang katotohanan lang, kanya nga lang ang iniisip ko lang, sa aming apat si Commissioner Argosino, Mike Robles, Calima at ako, we’re also thinking our life after the senate, so may mga pamilya rin kami, ako magsasabi ng totoo, maaaring magkaroon ng mga negatibong pangyayari sa ibang witnesses dito sa pagdating ko, pero wala akong magagawa, I have to tell the truth.” Pahayag ni Sombero.
Idinagdag pa ni Sombero na ayaw niyang magpasailalim sa protective custody ng National Bureau of Investigation (NBI).
“Siguro hindi na kailangan, mayroon akong lugar na pupuntahan na lang, pinasamahan naman ang ako ng security ng Senado, 24 hours kaya siguro diyan muna ako sa Makati.” Dagdag ni Sombero.
Matatandaang nabigo si Sombero na makadalo sa pagdinig ng Senado noong Enero 23 at 31 matapos mapaulat na nagtungo siya sa Singapore para sa medical check-up.
Sa nakalipas na pagdinig, natuklasan ng mga Senador na pinayagan ng Bureau of Immigration (BI) na makalabas ng bansa si Sombero noong Enero 17, kahit may umiiral na lookout bulletin laban sa kanya.
Binigyang-diin ni Sombero na ‘Wenceslao’ ang nakalagay sa kanyang pasaporte at hindi ‘Wally’ na nakasulat naman sa Immigration lookout bulletin order kaya’t marahil ay pinayagan siya na makalabas ng bansa.
“Isa pa nga yun, ang pangalan ko sa passport ay Wenceslao ang nakalagay sa inbook ay Wally kaya isa pa yung basehan ng Immigration desk officer na maaaring iba yung Wally, ang bottomline diyan ay tibayan ang batas ukol diyan at magandang malaman ng Senado upang maitama ito.” Pahayag ni Sombero.
PAKINGGAN: Kabuuan ng eksklusibong panayam ng DWIZ kay Wally Sombero sa programang Isumbong Mo Kay Tulfo
By Meann Tanbio | report and photo from Raoul Esperas (Patrol 45)