Nakatakdang ganapin ang ika-apat na pagdinig ng Senado hinggil sa umano’y korapsyon at suhulan na nagaganap sa Bureau of Immigration. Sa pagdinig na ito, dadalo at maririnig and testimonya ni Wally Sombero, ang sinasabing di umano’y middleman ng online gambling tycoon na si Jack Lam.
Ngunit sino nga ba si Wally Sombero bago pa man madawit ang kanyang pangalan sa bribery scandal sa Bureau of Immigration?
Si Wenceslao ‘Wally’ Sombero ay isang retiradong pulis na may rangong Chief Superintendent o katumbas na 1 star general sa pambansang kapulisan. Si Sombero ay naatasan na tugisin ang mga rebeldeng Moro sa Visayas at Mindanao. Nabigyan din ito ng iba’t ibang sensitibong posisyon bilang hepe ng anti-bank robbery, anti-kidnapping, anti-smuggling operations gayundin sa anti-hijacking at iba.
Ginawaran ng iba’t ibang parangal si Mr. Sombero tulad ng; Dangal ng Bayan Award taong 2000, Congressional Award mula sa 11th Congress, Dangal ng PNP-CIFG awardee, PNP-CIDG Field Officer of the Year Award, ABS-CBN Bayaning Pulis Awardee at marami pang iba.
Nagretiro sa serbisyo si Sombero sa edad lamang na 44 at nagpasyang mamuhay sa Estados Unidos bilang isang investigative writer at gayundin maging professional poker player sa Las Vergas USA na kung saan nakilala si Sombero sa nasabing larangan.
Sa gagawing Senate hearing ay malalaman kung paano nadawit ang pangalan ni Mr. Wally Sombero sa nasabing di umano suhulan sa loob ng Bureau of Immigration at ng Gambling Tycoon na si Jack Lam. Inaasahang isasalaysay ni Sombero ang lahat ng kanyang nalalaman mula nang maipasara ang Fontana Leisure Park na kung saan nahuli ang humigit kumulang 1000 Chinese nationals na nagtratrabaho sa on-line casino ni Jack Lam.
By: Ira Cruz / RPE