Walong barangay lamang sa Tagaytay City ang saklaw ng ipinatutupad na mandatory evacuation bunsod ng pag-aalburuto ng Bulkang Taal.
Ito ang nilinaw ng Department of Interior and Local Government (DILG) kasunod na rin ng pagbabalik – operasyon na ng ilang mga establisyemento sa ilang bahagi ng Tagaytay City.
Ayon kay DILG Spokesman Undersecretary Jonathan Malaya, lantad sa mapanganib na base surge at volcanic tsunami ang mga nabanggit na barangay sa lungsod.
Kabilang aniya rito ang mga barangay ng Bagong Tubig, Kaybagal South, Maharlika West, Sambong, San Jose, Silang Junction South, Maharlika East at Tolentino East.
Sinabi naman ni Malaya na ipa-uubaya na lamang kay Tagaytay City Mayor Agnes Tolentino ang pagpapasiya kung papayagang magbukas ang mga establisyementong nakatayo sa walong natukoy na barangay na pasok pa sa danger zone pero nasa mas mataas at ligats na lokasyon.
Iginiit ni Malaya, dapat pag-aralan ng lokal na pamahalaan ng Tagaytay City ang hazard map ng PHIVOLCS para matukoy ang ligtas na bahagi ng nabanggit na walong mga barangay.