Nananatiling mailap ang katarungan para sa pamilya ng 58 kabilang na ang nasa mahigit 30 miyembro ng media na biktima ng karumal-dumal na Ampatuan massacre sa Maguindanao, walong taon na ang nakalilipas.
Batay sa impormasyong ipinalabas ng Public Information Office o PIO ng Korte Suprema, wala pang nahahatulan kahit isa mula sa 197 akusado sa naturang krimen kung saan, 103 rito ang kasalukuyan pa ring nililitis.
Samantala, mula sa kabuuang bilang ng mga akusado, nasa 115 pa lamang ang naaaresto kung saan, 15 rito ang nagtataglay ng apeliyedong Ampatuan.
Magugunitang apat sa mga ito ang pumanaw na habang nakapiit kabilang na si dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr, isa naman sa mga akusado ang nakalaya dahil sa kawalan ng probable cause, dalawa ang naging state witness habang isa ang inalis mula sa amended information.
—-