Pumalo na sa 56 na mga indibidwal na ‘wanted’ o may mga kinakaharap na kasong kriminal ang on-the-spot na naaresto ng mga awtoridad mula sa Philippine National Police (PNP).
Ayon kay PNP Chief, Police General Debold Sinas, ang mga kawatan ay napasakamay ng mga pulisya matapos na mag-apply ang mga ito ng police clearance.
Sa datos, 55 sa mga ito ang naaresto noong nakaraang taon, habang ang isa naman ay naaresto nito lamang ika-19 ng Pebrero.
Paliwanag ng mga awtoridad, sa sistemang ginagamit ng PNP, nakapaloob dito ang lahat ng mga impormasyon o detalye ng mga indibidwal na pinaghahanap ng batas gaya ng kanilang pangalan, address, litrato at iba pa.
Ibig sabihin, sa oras na ipasok ang pangalan ng sinumang nag-aapply ng police clearance sa naturang system ay agad itong malalaman ng mga kinauukulan kung may atraso ba ang mga ito sa batas o kaya’y kapangalan lang ng mga pinaghahanap ng batas.