Tiniyak ng Malakanyang na mas magiging epektibo na ang pagpapatupad ng kampanya ng pamahalaan kontra sa iligal na droga sa susunod na taon.
Ayon ito kay Presidential Spokesman Harry Roque kasunod na din ng 2017 year – end report ng administrasyong Duterte kung saan kabilang ang drug war sa mga matagumpay na nagawa ng administrasyon.
Sinabi ni Roque na maraming aral ang natutunan sa nakalipas na mga panahon na siyang naging modelo para pag-ibayuhin pa ang kanilang kampaniya kontra iligal na droga.
Maliban sa illegal drugs, ipinagwagwagan din ng Malakanyang ang anila’y tagumpay ng pamahalaan sa pagsugpo sa kriminalidad gayundin sa katiwalian kung saan maraming opisyal ang sinibak sa puwesto.
Matatandaang kamakailan lamang ay ibinalik na ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Philippine National Police o PNP ang ‘war on drugs’ matapos ang naitalang sunod – sunod na karumaldumal na mga krimen.
Ngunit paglilinaw ng Palasyo, ang Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA pa rin ang lead agency sa mas pinaigting na kampanya kontra iligal na droga.