Ipinag-utos na ng Supreme Court o SC na isalang sa oral argument ang mga petisyon nina Aileen Almora, Rowena Aparri at Sister Juanita Daño mula sa mga residente ng San Andres Bukid, Maynila laban kina Philippine National Police o PNP Director General Ronald Dela Rosa at iba pa.
Itinakda ang argumento sa Nobyembre 21, 3:00 ng hapon.
Inatasan naman ng SC ang mga respondent na magpaliwanag sa loob ng sampung araw nang walang extension kaugnay ng inihaing petition for TRO at writ of amparo ng mga petitioner.
Magugunitang dumulog sa Korte Suprema ang mga petitioner na residente ng San Andres Bukid na dumanas umano ng tatlumpu’t limang (35) insidente ng pagpatay sa ilalim ng kampanya ng pulisya laban sa iligal na droga.
Sa petition for writ of amparo sa pangunguna ni Sister Daño, hinihiling ng mga petitioner na pigilan ng Korte Suprema ang Manila Police District o MPD Station 6 sa pagsasagawa ng anti-illegal drugs operation nang walang koordinasyon at presensya ng mga opisyal ng barangay, Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA at ng media.
Nais din nilang pigilan ng Korte ang pulisya sa puwersahang kumuha mula sa mga barangay official ng listahan ng mga drug suspect sa kanilang lugar, at harangin ang MPD sa pagmamantine ng drug list sa lahat ng dalawampu’t walong (28) barangay sa San Andres Bukid.