Dismayado ang ina ng pumanaw na visual artist na si Bree Jonson sa pagbasura ng san Fernando City Regional Trial Court ng La Union, sa kasong possession of illegal drugs laban kay Julian Ongpin.
Kinuwestyon din ni Dr. Sally Jonson kinahinatnan ng war on drugs ng gobyerno at inakusahan ang korte na may kinikilingan o nagkaroon ng selective justice.
Nakapag-tataka anyang ibinasura ng korte ang kaso laban kay Ongpin gayong nag-positibo ito sa paggamit ng cocaine bagay na hindi naman isinama ng PNP Sa inihaing reklamo.
Kinasuhan si Ongpin ng illegal possession ng 12.6 grams ng cocaine na natagpuan umano sa loob ng hotel room ng isang resort sa san Juan, La Union kung saan sila nagcheck-in ni Bree noong September 17.
Iginiit ni Jonson na ibinasura ang kaso dahil sa “incompetency” ng PNP sa paghawak ng drug cases, nang hindi tumatalima sa section 21 ng R.A. 9165 at ang kanilang legal excuse ay hindi pa sila nakakakita ng cocaine at hindi umano nila alam na droga ang nakuha kay Ongpin.
Gayunman, aminado ang nakatatandang Jonson na hindi niya maaaring pangunahan ang prosecution panel ng Department of Justice sa kanilang susunod na hakbang. —sa panulat ni Drew Nacino