Itinuturing ng Malacañang na tagumpay ang mga operasyon ng Pambansang Pulisya laban sa iligal na droga.
Ito’y matapos mabatid na nabawasan na ng 90 porsyento ang supply ng illegal drugs sa bansa sa loob lamang ng 2 buwan.
Bagama’t inamin ng PNP na ilan sa mga kaso ng pagpatay ay maaaring kagagawan ng mga vigilantes, tiniyak nito sa publiko na iniimbestigahan ang mga naturang insidente.
Batay sa tala ng PNP, pumalo na sa 1,466 suspected drug personalities ang napatay sa mga operasyon habang 1,490 incidents ang iniuugnay naman sa mga hinihinalang vigilantes.
Ipinagmalaki naman ng PNP na 16,000 drug suspects ang naaresto habang 700,000 na ang mga sumuko.
Giit ni Presidential Communications Office Secretary Martin Andanar, ginagawa na ng PNP ang trabaho nito upang matukoy ang mga hinihinalang nasa likod ng mga summary executions.
Samantala, inamin ni PNP Chief Director General Ronald dela Rosa na malaking kabawasan sa supply ng illegal drugs sa bansa ang mahigpit na pagbabantay at operasyon ng Special Action Force sa New Bilibid Prison o NBP.
Giit ni Dela Rosa, dati umano ay iniisip ng mga nakakulong na drug lord sa NBP na walang magiging balakid sa kanilang illegal activities sa labas ng bilangguan pero nagkakamali aniya ang mga ito.
Magugunitang nangako si Pangulong Rodrigo Duterte na pupuksain niya ang problema sa iligal na droga at korapsiyon sa loob ng anim na buwan.
By Jelbert Perdez