May pangamba umano sa kanyang buhay ang warehouse staff ng Pharmally Pharmaceuticals na tumestigo sa Senado at umaming pinalitan nila ang expiration date ng medical supplies na binili sa kanila ng gobyerno.
Ito, ayon kay Senator Risa Hontiveros, ang dahilan kaya’t takot na humarap sa pagdinig ang naturang witness matapos umanong makatanggap ng mga banta.
Muli anyang nakipag-ugnayan sa kanyang tanggapan ang naturang testigo at tinukoy nito ang dalawang lalaki na naka-motorsiklo ang nagpunta sa kanilang lugar.
Nag-aalok pa umano ang dalawang lalaki ng P2,000 sa sinomang makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ng testigo.
Ang nabanggit na impormasyon ay inilagay na sa record ni hontiveros upang mapangalagaan ang seguridad ng testigo.—sa panulat ni Drew Nacino ulat mula kay Cely Ortega-Bueno