Mananatili pa rin ang ipinalabas na Warrant of Arrest ng Senado laban kay dating Commission on Elections Chairman Andy Bautista.
Ito ay ayon kay Senate Committee on Banks Chairman Chiz Escudero matapos na mabigo ang abogado ni Bautista na maisumite ang ipinangako nitong sworn affidavit.
Sa pagdalo ng abogado ni Bautista sa pagpapatuloy ng pagdinig ng komite hinggil sa umano’y mga tagong yaman nito, humiling si Atty. Anacleto Diaz ng extension nang hanggang March 26 dahil may mga kakailanganin pa siyang dokumento.
Dahil dito, sinabi ni Escudero na hindi niya pa mairerekomenda ang pagkansela sa Warrant of Arrest laban kay Bautista at posibleng matagalan pa ito dahil marami aniyang mga Senador ang nakatakdang lumabas ng bansa ngayong naka Lenten break ang sesyon.
Samantala, napagtugma na rin sa pagdinig kahapon ang magkaibang petsa ng pag-alis ni Bautista palabas ng bansa.
Ayon sa Bureau of Immigration, nagkaroon lamang ng computer error pero ang talagang petsa nang pag-alis ni bautista ay noong a-21 ng Nobyembre ng nakaraang taon .
Cely Ortega-Bueno