Tiwala si Philippine National Police (PNP) Chief General Oscar Albayalde na nasa bansa pa rin si dating Police Col. Eduardo Acierto na nahaharap sa kasong may kaugnayan sa iligal na droga.
Ayon kay Albayalde, may mga palatandaan silang hindi pa nakalalabas ng bansa si Acierto.
Patuloy din aniya ang pakikipag-ugnayan nila sa iba pang ahensiya ng pamahalaan partikular ang Bureau of Immigration (BI) para matunton ang kontrobersiyal na dating police official.
Samantala, kinumpirma naman ng PNP-CIDG na hawak na nila ang ipinalabas na warrant of arrest ng korte laban kay Acierto at pitong iba pang kinasuhan dahil sa pagkakapuslit sa bansa ng bilyun-bilyong pisong halaga ng shabu shipment na inilagay sa mga magnetic lifters.
Una na ring nagpalabas ng mga tracker teams ang PNP para hanapin si Acierto.