Nanindigan ang Pamahalaang Lungsod ng Quezon na may ligal na batayan ang pagpapatupad nila ng warrantless arrest laban sa mga pasaway na pilit lumalabag sa mga ipinatutupad na quarantine protocols sa lungsod.
Ayon kay Atty. Niño Casimiro, legal officer ng Quezon City, may mga probisyon aniya sa 1987 Constitution na nagbibigay kapangyarihan sa kanilang inilabas na memo para gawin ang gayung hakbang.
Layon aniya nitong pangalagaan at protektahan ang kapakanan ng mas nakararami mula sa iilang pasaway na inilalagay sa peligro ang kaligtasan ng lahat.
Dahil paso na aniya ang Bayanihan to Heal as One Act o BAHO law, sinabi ni Atty. Casimiro na may umiiral pa rin namang mga ordinansa sa lungsod na maaaring maging batayan ng pag-aresto.
Iginiit pa ng abogado na ang kanilang ginagawa ay para na rin sa kaligtasan ng lahat lalo’t ang kanila aniyang lungsod ang isa sa may pinakamataas na kaso ng COVID-19 sa buong National Capital Region (NCR).