Nilimitahan na ang mga pagkakataong pwedeng mang-aresto nang walang warrant of arrest sa ilalim ng bagong Anti-Terrorism Act.
Ito ang itinakda ng Anti-Terrorism Council sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng nasabing batas bilang tugon sa pangamba ng publiko.
Nakasaad sa IRR na hindi pinapayagan ng batas na mang-aresto ang mga otoridad nang walang batayan o base lamang sa mga hinala.
Posible lamang ang pag-aresto ng walang warrant of arrest kung ito ay “caught in the act” o “hot pursuit” at mayroong 48 oras ang mga otoridad na ipaalam sa korte na mayroon silang nahuli nang walang arrest warrant.
Sa ilalim din ng IRR, mabibigyan pa ng pagkakataon ang mga taong isinama ng Anti-Terrorism Council sa listahan ng mga terorista para matanggal ang kanilang pangalan.
Gayunman, pinanindigan sa IRR ang depinisyon ng terorismo at iba pang mga aktibidad na may kinalaman sa terorismo na siyang binabatikos ng mga kritiko.