Inihayag ng National Task Force (NTF) against Covid-19 na maliit lamang ang naitalang covid-19 vaccine wastage sa bansa, partikular sa mga lugar na tinamaan ng bagyo.
Ayon kay NTF against Covid-19 Chief Secretary Carlito Galvez Jr., inaasahan nilang aabot sa 5 milyon ang bilang ng mga masasayang na bakuna ngunit batay aniya sa kanilang natanggap na mga ulat ay humigit kumulang 200,000 doses lamang ang vaccine wastage.
Gayunman, sinabi ng opisyal na patuloy na inaalam ng gobyerno at ng Department of Health ang bilang ng mga nasirang bakuna dahil sa bagyong Agaton.
Sinabi pa ni Galvez na hindi maiiwasan ang pagkasira ng mga bakuna dahil sa maikling shelf-life ng mga ito na tatlo hanggang apat na buwan lamang.
Pinaplano na rin aniya ng gobyerno na i-donate ang mga mapapasong bakuna upang maiwasan ang lalong pagkasayang ng mga ito.