Halos sabay-sabay na iwinagayway ang bandila ng Pilipinas sa iba’t ibang panig ng bansa bilang paggunita sa ika-120 anibersaryo ng Araw ng Kasarinlan ng Pilipinas.
Si Vice President Leni Robredo ang nanguna sa flag raising sa Rizal Park gayundin ang pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ni Gat Jose Rizal.
Samantala, si MMDA Chairman Danilo Lim naman ang nanguna sa Monumento sa Caloocan samantalang si Senador Richard Gordon naman sa Barasoian Church sa Malolos Bulacan.
Samantala, hindi naman umabot sa alas-8:00 na flag raising sa Kawit Cavite ang Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa malakas na pag ulan.
Sa kanyang talumpati, hinikayat ng Pangulo ang sambayanan na huwag kakalimutan ang pamanang kalayaan na ibinigay sa atin ng ating mga bayani.
Nagpahayag ng pag-asa ang Pangulo na makapag-iwan rin ng magandang legacy sa bansa ang kanyang panunungkulan bilang Pangulo.
Samantala, dumalo rin sa selebrasyon si Chinese Ambassador Zhao Jianhua.
Sa naturang okasyon nakitang hiwalay na kinausap ni Zhao sina Pangulong Rodrigo Duterte at Defense Secretary Delfin Lorenzana.
Kinumpirma sa media ni Zhao na nagpahayag sa kanya ng pangamba ang Pangulong Duterte hinggil karanasan ng mga mangingisdang Pilipino sa Chinese Coast Guard sa Scarborough Shoal.
Tiniyak ni Zhao na iniimbestigahan na ito ng China at papatawan ng parusa ang mga sangkot sakaling mapatunayang nagkasala.
Una nang inireklamo ng mga mangingisdang Pinoy ang pang-aagaw sa kanila ng Chinese Coast Guard ng mga huli nilang isda.
—-