Inilabas na ang unang pasilip ng inaabangang romantic comedy film na ‘Just the 3 of Us’ na pagtatambalan sa unang pagkakataon nina John Lloyd Cruz at Jennylyn Mercado.
Sa video teaser na inilabas ng Star Cinema, makikita ang ilang nakakatuwang eksena sa pagitan nina Aqui (Jennylyn Mercado) at Uno (John Lloyd Cruz).
Si Aqui ay isang airline stewardess na may matagal nang paghanga sa pilotong si Uno. Dahil sa matinding pagkagusto ni Aqui kay Uno ay sinusundan niya ito na parang isang stalker.
Mas magiging kaabang-abang ang istorya sa rebelasyong buntis si Aqui at si Uno ang ama.
“Nabuntis mo ako, dahil diyan sa ngiti mo: Ani Aqui sa isa sa mga eksena.
“Nginitian lang kita, nabuntis ka na? Sagot naman ni Uno.
Dito na lilitaw ang mga tanong na, may mabubuo kayang pagmamahalan sa oras na magkasama na ang dalawa? Si Uno nga ba talaga ang ama ng bata?
PANOORIN:
Matatandaang sa isang interview, sinabi ni Cruz na excited siyang makatrabaho sa unang pagkakataon si Mercado.
Sa direksyon ni Cathy Garcia Molina, nakatakdang ipalabas ang pelikula sa mga sinehan sa April 27.
By Aiza Rendon