Tiniyak ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nananatiling maagap ang Pilipinas, sa pagtugon sa nakaambang krisis sa tubig.
Ito ay kasabay ng epekto ng climate change na nagbabadya ng malawakang El Niño.
Sa ginanap na United Nations 2023 Water Conference sa New York, inilatag ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Sec. Ma. Antonia Yulo-Loyzaga, ang mga hakbang ng executive at legislative branch na sosolusyon sa bumabagsak na suplay ng tubig.
Kabilang dito ang paglikha ng water resource management office sa ilalim ng denr upang makamit ang seguridad ng tubig hanggang 2030.
Ang WRMO ay naka-angkla sa mga binabalangkas na batas para sa paglikha ng isang tanggapan na mangangasiwa sa komprehensibong water resource management sa bansa.
Tinitiyak din nito na ang mga patakaran at aksyon na may kaugnayan sa tubig ng mga lokal na pamahalaan, ay naaayon sa Philippine Development Plan. – sa panulat ni Hannah Oledan