Nag abiso na ang Manila Water sa posibleng rotational service interruptions ngayong linggo dahil sa patuloy na pagbaba ng level ng tubig sa Angat at Ipo Dams.
Una nang inihayag ng PAGASA na sakaling hindi sapat ang mga pag ulan, posibleng maabot na ng Angat Dam ang 160 meter critical level para sa domestic water supply.
Ayon sa Manila Water, kapag nagpatuloy ang pagbaba ng tubig sa Angat at Ipo Dams, kailangang magpatupad ng contingency measures kabilang ang rotational water service interruptions sa kabuuan ng east zone para na rin mapagkasya ang supply sa lahat ng kanilang customers.
Maayos naman umano ang sitwasyon sakaling sumapat ang ulan para mapuno ang mga nasabing dam.
Lebel ng tubig sa iba pang dam sa Luzon patuloy rin na nababawasan
Patuloy na nababawasan ang water level ng karamihan sa mga dam sa Luzon sa nakalipas na 24 oras.
Ayon sa hydrology division ng PAGASA, alas 6:00 kaninang umaga, nasa 162. 39 meters ang water level sa Angat Dam kumpara sa 162. 82 meters kahapon.
Nasa 68. 54 meters ang water level sa La Mesa Dam samantalang nabawasan din ang water level sa Binga, San Roque at Magat Dams.
Bahagya namang nadagdagan ang water level sa Ipo Dam na nasa 100. 73 meters samantalang nadagdagan din ng kaunti ang water level sa Ambuklao, Pantabangan at Caliraya Dams.