Bumaba na sa 20.99 meters ang level ng tubig sa Batasan Bridge pero nananatili parin sa critical level o 3rd alarm ang ilang lugar sa San Mateo Rizal.
Ayon sa San Mateo Rizal Public Information Office (PIO), nakataas pa rin ang forced evacuation sa ilang lugar ng San Mateo Rizal bunsod ng patuloy na pag-ulan na may malalakas na hanging dala ng bagyong Karding.
Apektado parin ang ilang lugar sa San Mateo Rizal, kabilang na ang Banaba, Malanday at Guinayang Gravel Pit, Maly Sitio Ibayo, Sta Ana, Ampid 1 at 2, Dulong Bayan 1 at 2, Guitnang Bayan 1 at 2.
Wala namang naitalang untoward incident at nadadaanan parin sa ngayon ang mga pangunahing kalsada sa mga nabanggit na lugar pero umabot hanggang gutter deep ang tubig baha sa Secondary Road ng Barangay Malanday.
Sa ngayon, pinag-iingat at pina-a-alerto ng lokal na pamahalaan ang mga residente sa mga nabanggit na lugar para sa kanilang kaligtasan.