Napakahalaga ng tubig sa buhay natin, kaya naman masasabing maswerte tayo na binibigyan ng administrasyong Marcos ng special focus ang water security sa Pilipinas.
Anong mga hakbang ba ang ginagawa ng gobyerno para sa water security ng bansa?
Tara, suriin natin yan.
Tumutukoy ang water security sa kapasidad ng bansa na magkaroon ng sapat at de-kalidad na tubig para sa lahat. Layon ng water security na ma-maximize ang paggamit ng tubig, kasabay ng pag-limit sa risks at destruction nito sa kalikasan.
Sa ikalawang State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong July 24, 2023, sinabi niya na dapat cohesive, centralized, systematic at hindi magulo ang mga gagawing hakbang para mas mapaayos ang water security sa bansa.
Isa ito sa mga dahilan kung bakit mayroong Water Resources Management Office o WRMO. Nilikha ang WRMO sa bisa ng Executive Order 22 na nilagdaan ng pangulo noong April 27, 2023. Nasa ilalim ito ng Department of Environment and Natural Resources.
Ginawa ang WRMO para matugunan ang mga hamon sa seguridad sa tubig, gaya na lang ng hiwa-hiwalay na water and sanitation sector, pagtaas ng demand sa tubig dahil sa populasyon at economic growth, climate change, kakulangan sa imprastraktura, at iba pa.
Sa WRMO, pagsasama-samahin ang tungkulin ng lahat ng ahensya na mayroong water-related mandates. Sisiguraduhin din ng nasabing opisina ang availability at sustainable management ng water resources sa bansa.
Bukod dito, sinabi ni Pangulong Marcos na naglaan ng humigit-kumulang 14.6 billion pesos ang pamahalaan para sa water supply projects ngayong taon na tiyak na mapakikinabangan sa buong bansa. Sa katunayan, natulungan na ng Wawa Bulk Water Supply Project ang National Capital Region at Rizal sa unang phase nito at inaasahang mas dadami pa ang makikinabang sa proyektong ito sa mga susunod na araw.
Hindi tayo mabubuhay nang walang tubig, kaya trabaho hindi lang ng gobyerno, pati na rin nating mga mamamayan, ang pangalagaan at tipirin ito. Sabi nga ni Pangulong Marcos, “ang tubig ay kasing-halaga rin ng pagkain. Kailangan nating tiyakin na may sapat at malinis na tubig para sa lahat at sa mga susunod na salinlahi.”
Sa iyong palagay, anong mga proyekto pa ang dapat ipatupad para mas mapaayos ang water security sa bansa?