Namemeligrong matuyot sa buong tag-init ang mga residenteng sineserbisyuhan ng Maynilad sa Metro Manila at ilang bahagi ng lalawigan ng Cavite.
Bunsod ito ng araw-araw na water service interruption bilang paghahanda sa posibleng epekto ng EL Nino phenomenon ngayong taon batay na sa projection ng PAGASA.
Ayon kay Maynilad Spokesperson Jennifer Rufo, 90% ng kanilang supply ay nagmumula sa Angat at Ipo dams na inaasahang mababawasan hangga’t walang mga pag-ulan na magre-replenish sa mga dam.
Malalaman pa lamang anya sa simula ng tag-ulan kung magiging sapat ito upang mapuno ang mababawas na tubig sa mga nasabing water reservoir ngayong tag-init.
Umapela naman ang maynilad sa National Water Resources Board na huwag munang magbawas ng alokasyon ng tubig.
Sa kabila nito, tiniyak ng Maynilad na nagpapatuloy ang kanilang supply augmentation measures gaya ng pagtatayo ng mga deep well at treatment facilities.
Samantala, simula kahapon ay nakararanas na ng malawakang service interruption sa ilang bahagi ng Caloocan, Valenzuela, Quezon City, Maynila, Malabon, Navotas, Makati at Pasay.
Ngayong araw naman nagsimula ang interruption sa las piñas, parañaque, maging sa Bacoor, Imus, Cavite City, Noveleta, Rosario at Kawit, Cavite.