Pinawi ng Manila Water ang pangamba ng publiko na magtuloy-tuloy pa ang nararanasang kakulangan ng suplay ng tubig sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila at sa mga kalapit na lugar.
Ito’y matapos tiyakin ni Manila Water Communications Manager Dittie Galang na simula ngayong araw ay unti-unti nang babalik sa normal ang suplay ng tubig.
Gumanda na aniya ang rate ng water refill sa mga reservoir kaya balik normal na rin ang kanilang imbak ng tubig.
Gayunman, nag-abiso pa rin ang opisyal na posibleng may halong kulay pa ang unang bugso ng tubig na lalabas dahil sa mga yamang mineral hindi aniya ito maaaring inumin kahit pa pakuluan ngunit maaari itong gamitin sa paglilinis.
Samantala, pinakaapektado sa naturang water supply shortage ang Mandaluyong, Pasig City at Rizal.