Nakasunod na sa itinatakdang standards ng Department of Environment and Natural Resources o DENR ang water utility company na Boracay Tubi System Incorporated.
Ito ay matapos na magpalabas ng cease and desist order ang DENR laban sa nabanggit na water utility company kasunod ng viral video ng umano’y manilaw-nilaw at maduming tubig na lumalabas sa isang tubo na direktang dumadaloy sa dagat sa isla.
Batay sa isinagawang water sampling test ng DENR at Boracay Tubi System sa interceptor at water outfall ng kumpanya sa Sitio Lugotan, kahapon, Setyembre 27, lumabas na nakasunod na sila sa effluent standards ng ahensiya.
Mas mababa na sa 1 MPN o Most Probable Number per 100 milliliters ang fecal at coliform level ng kinuhang water sample kumpara sa 10 thousand MPN per 100 ml at 400 MPN per 100 ml na effluent standard ng DENR.
Pagtitiyak naman ng Boracay Tubi System Incorporated, hindi sila nagpapalabas ng mga hindi pa nalilinis na wastewater direkta sa dagat dahil dumadaan anila ito sa kanya-kanyang sewage treatment plants ng mga establisyementong kanilang pinagsisilbihan.
Tinitingnan naman ng kumpanya ang posibilidad ng illegal tapping at walang pahintulot na pagpasok sa kanilang pipeline patungo ng kanilang water outfall.