Pinatunayan na mismo ng Korte Suprema na ligal ang pagdedeklara ng martial law sa Mindanao.
Ito ang rekasyon ng Palasyo matapos ibasura ng kataas-taasang hukuman ang mga petisyong kumukwestyon sa ligalidad ng martial law na ipinatupad ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 23 ng Mayo.
Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, may sinumpaang tungkulin si Pangulong Duterte na protektahan ang mga Pilipino at hindi aniya ito titigil hangga’t hindi natutuldukan ang rebelyon at terorismo sa Marawi City.
Kasabay nito, nanawagan ang Palasyo sa publiko na suportahan at makipagtulungan sa mga otoridad upang matiyak ang kaligtasan ng bawat komunidad at mamamayan.
Duterte tungkuling protektahan ang Pilipino may martial law man o wala
Tungkulin ng Pangulong Rodrigo Duterte na protektahan ang mamamayang Pilipino, may martial law man o wala.
Ito ang reaksyon ni San Beda Graduate School of Law Dean Father Ranhilio Aquino matapos ang naging desisyon ng Korte Suprema na ligal ang pagdedeklara ng martial law sa Mindanao.
Sinabi ni Aquino na matapos man ang martial law ay maaari pa rin aniyang muling magdeklara ang Pangulo kung may makita aniyang batayan ang Punong Ehekutibo.
Gayunman, nilinaw ni Aquino na wala namang martial law ay hindi naman aniya ito hadlang para atasan ang militar na ipagpatuloy ang operasyon kontra Maute sa Marawi City.
By Ralph Obina | With Report from Aileen Taliping