Kasalukuyang nakararanas na ang bansa ng “weak surge” ng mga Covid-19 cases.
Ito ang inamin ng Infectious disease expert at vaccine expert panel member na si Dr. Rontgene Solante batay sa projection ng OCTA Research Group.
Pangunahing tinututukan ang National Capital Region kung saan tumaas ng 10% ang positivity rate habang marami nang lugar sa bansa ang lagpas na sa 5% treshold na itinatakda ng World Health Organization.
Inaasahang magpapatuloy ang pagtaas ng mga kaso hanggang sa susunod na tatlo hanggang apat na linggo na dulot ng mga Omicron variant.
Unang inihayag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang pagtaas muli ng mga kaso ay dahil sa subvariants, mas maluwag na galaw ng mga tao at bumababang bisa ng mga bakuna sa mga taong hindi pa nagpapa-booster shot.