Limang oras na nag offline ang website ni Senador Richard Gordon noong Lunes , Oktubre 4 dahil sa Cyber Attacks.
Ayon kay Myke Cruz, Information Technology Officer sa tanggapan ni Gordon, nagkaroon ng tinatawag na Distributed Denial of Service (DDOS) attack sa kanilang website kaya’t nag shutdown ang web services nito mula alas-7 ng umaga hanggang ala-1 ng hapon.
Ang DDOS Attack daw ay traffic request sa website na karaniwang idinadaan sa dark web ng mga taong nabayaran ng malaking halaga.
Sa website ni Gordon, bumaha ang traffic requests mula sa China, United States, Ukraine at iba pang bansa sa South East Asia kaya ang bandwidth ng website ay lumobo sa 1.8gb sa loob ng isang oras mula sa dating 100mb lamang.
Bukod sa cyber attack sa website, binaha rin ang social media account ni Gordon ng banat nang hinihinalang trolls na bumabatikos sa imbestigasyon ng senado sa pagbili ng gobyerno ng pandemic supplies sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.—sa ulat ni Cely Ortega Bueno (Patrol 19)