Mahina hanggang sa katamtamang pag-ulan at pagkulog at pagkidlat ang mararanasan ng region 4-B Mimaropa, Visayas at Mindanao dulot ng Low Pressure Area (LPA) na patuloy na minomonitor ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ayon kay PAGASA Weather Forecaster Manny Mendoza, huling namataan ang LPA sa layong 295 kilometro mula sa Mindanao.
Nakapaloob aniya ang LPA sa Inter-Tropical Convergence Zone (ITCZ) na humahagip sa Visayas.
Sinabi pa ni Mendoza na maliit lang umano ang tyansang tuluyang maging bagyo ang LPA.
Pero may posibilidad itong maging bagyo kung patuloy na hahakot ng lakas habang nasa ibabaw ng karagatan at magkakaroon ito ng weak vertical wind shear o kung maapektuhan ng pagbabago sa atmospheric pressure at surface temperature ng karagatan.
Samantala, ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon ay makararanas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may mga pulu-pulong pagkulog-pagkidlat lalo na sa dakong hapon at gabi.
By Mariboy Ysibido