Sa sobrang lawak ng natural gas resources sa West Philippine Sea ay kaya umano nitong suplayan ng kuryente ang buong Pilipinas sa loob ng 20 taon.
Ito ang isiniwalat ni LPGMA Representative Arnel Ty kaya’t iginiit niyang dapat protektahan ng Pilipinas ang teritoryong ito laban sa China at iba pang banta mula sa ibayong dagat.
Aniya, dapat nang bumili ng gobyerno ng mga bagong warship, kabilang ang missile gunboats at mga mabibilis na sasakyang pandagat at i-deploy ang mga ito sa naturang lugar.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Ty na kung makukuha ng gobyerno ang natural gas sa nasabing rehiyon ay maaaring hindi na tayo aasa pa ng gas mula sa ibang bansa.
“May ibang malalaking bansa ngayon na dating umaasa sa Middle East na ngayon ang ginamit po nila ay sarili nilang natural gas na sobra-sobra sa pangangailangan nila na kailangan po nilang mag-export.” Ani Ty.
Exploration sa West PH Sea
Hinikayat ni LPGMA Partylist Representative Arnel Ty ang pamahalaan na simulan na ang exploration sa West Philippine Sea upang tuklasin ang deposito ng natural gas.
Ayon kay Arnel Ty, maaaring isama ang exploration sa PPP o Public Private Partnership o imbitahan ng Department of Energy (DOE) ang mga oil players upang simulan ang pagtuklas sa nakatagong natural gas sa West Philippine Sea.
Binigyang diin ni Ty na napakalaking ginhawa para sa bansa kung magagamit ang mga nakatagong deposito ng gas tulad ng nangyari sa Amerika matapos nilang matuklasan ang natural gas deposit sa Texas.
Naging dahilan aniya ito ng pagbaba ng presyo ng LPG sa nagdaang tatlong taon at naging numero uno pang exporter ng natural at propane gas ang Estados Unidos.
Kasabay nito, iginiit ni Ty na dapat mag-invest ng bagong warship at missile gunboats ang pamahalaan upang protektahan ang interes ng Pilipinas sa West Philippine Sea laban sa China.
Binigyang diin ni Ty nasa lawak ng deposito ng gas sa West Philippine Sea, kaya nitong suplayan ang pangangailangan sa kuryente ng bansa sa loob ng 20 taon.
“Kahit naman po isa sa pinakamaliit na barko nila ‘pag pumasok ‘yan ay wala naman tayong magagawa, pero kailangan naman po kung sa pananaw natin through the exploration at ang pag-check sa lugar kung mayroong enough fuel in the West Philippine Sea at pumasok ‘yan sa ating economic zone then kailangan po natin ‘yan proteksyunan, ‘yun naman pong posisyon ko kahit man lang hindi pantapat na kasinglakas nila pero atleast may makita silang presence natin.” Paliwanag ni Ty.
By Jelbert Perdez | Len Aguirre | Kasangga Mo Ang Langit