Nabunyag na tahimik ang federal constitution na ginawa ng consultative committee sa West Philippine Sea.
Ayon kay dating Supreme Court Chief Justice Hilario Davide, hindi man lamang nabanggit ang West Philippine Sea sa mga probisyon ng federal constitution hinggil sa national territory gayung binanggit doon ang Philippine Rise.
Posible anyang dahil sa takot o pagmamahal ng Duterte administration sa China kaya’t tuluyang naisantabi ang West Philippine Sea sa binubuong bagong konstitusyon.
Kinontra naman ng Consultative Committee na bumuo ng draft federal constitution ang pahayag ni dating Supreme Court Chief Justice Hilario Davide na hindi sinama ang West Philippine Sea sa panukalang bagong konstitusyon.
Ayon kay Conrado Generoso, Spokesman ng Con-com, kasama ang West Philippine Sea sa probisyon para sa national territory kung saan binibigyang diin ang karapatan ng Pilipinas sa maritime expanse sa labas ng teritoryong pangkaragatan ng bansa hanggang sa bahaging inirereserba ng international law.
Ipinaliwanag ni Generoso na ang mga katagang reserved by international law ay tumutukoy sa United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS at ang maritime expanse ay sa 200-mile exclusive economic zone na sumasakot sa West Phlippine Sea sa kanluran at sa Pacific Ocean sa silangan.
Hindi aniya puwedeng ilagay ang katagang West Philippine Sea o ang Pacific Ocean dahil wala namang nakakaalam sa hangganan ng mga karagatang ito.
Sinabi ni Generoso na kung ilalagay ang West Philippine Sea sa bagong konstitusyon, kailangan ring ilagay ang Pacific Ocean.
—-