Nasa pinaka-mataas na disaster preparedness alert status na ang limang lalawigan sa Western Visayas sa posibleng pananalasa ng bagyong Paeng.
Ito’y makaraang tukuyin ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council na high risk ang kanilang mga lugar sa landslides at flashfloods.
Bagaman hindi direktang maaapektuhan at walang nakataas na public storm signal, nakararanas naman ng pag-ulan dulot ng trough (trap) ng bagyo at shearline ang Aklan, Antique, Capiz, Iloilo at Negros Occidental.
Ayon kay RDRRMC Spokesperson Cindy Ferrer, nananatiling mababa ang posibilidad na labis maapektuhan ng pagbaha o pagguho ng lupa ang mga lungsod ng Bacolod at Iloilo.
Samantala, ipinag-utos na ni Bacolod Mayor Albee Benitez ang kanselasyon ng klase kahapon maging ang deployment ng rescue teams sa mga strategic area upang matiyak ang mabilis na pagresponde.
Inihayag naman ng Negros Occidental Provincial Social Welfare and Development Office na isandaan apatnapu’t apat na pamilya na ang apektado ng pagbaha.