Nanganganib na mahawaan o magkaroon ng tigdas ang aabot sa 2.6 million mga bata sa Pilipinas.
Ito ang naging babala ng WHO o World Health Organization kasunod ng pagdedeklara ng measles outbreak sa ilang lugar sa bansa.
Ayon kay WHO Expanded Program on Immunization Technical Officer Maricel Castro, batay sa nakuha nilang datos mula sa DOH o Department of Health, aabot sa mahigit 2 million batang Filipino na may edad limang taon pababa ang hindi pa nababakunahan kontra tigdas.
Sinabi ni Castro, nangungunang dahilan rito ay ang malaking pagbaba ng tiwala ng mga Filipino sa programa sa bakuna ng pamahalaan.
Batay aniya sa pag-aaral ng London School of Hygiene and Tropical Medicine, 32 percent lamang ng mga Filipino ang nananatiling may tiwala sa bakuna nitong 2018.
Habang bumulusok naman sa 22 percent ang bilang ng mga Pinoy na nagniniwalang epektibo pa rin ang mga bakuna kumpara noong taong 2015.