Iginiit ng World Health Organization na dapat na pabilisin ang pagbabakuna kontra COVID-19, partikular na sa senior citizens, bago pa lumaganap ang delta variant sa bansa.
Ayon kay WHO Representative to the Philippines Dr. Rabindra Abeyasinghe, posible kasi itong magresulta sa mas mataas na bilang ng COVID-19 related deaths sa mga senior citizen.
Paliwanag ni Abeyasinghe, 60% ng COVID-19 fatalities sa bansa ay mula sa nasabing age group.
Aniya, dapat na gamitin na ng pamahalaan ang natitirang mga bakuna sa mga senior citizen.
Sa datos noong June 29, nasa 8.5% ng 8.2 million elderly population ang nakatanggap na ng kumpletong bakuna laban sa COVID-19, habang nasa 28 % naman ang nakatanggap ng first dose. —-sa panulat ni Hyacinth Ludivico