Nagbabala ang World Health Organization (WHO) sa halos anim na milyong kakulangan sa mga nurses sa buong mundo.
Ayon kay WHO Chief Tedros Adhanom Ghebreyesus, itinuturing na backbone ng lahat ng health system ang mga nurse kung saan karamihan sa kanila ay kasalukuyang frontline sa laban kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sinabi ni Ghebreyesus, sa kabila ng 4.7% pagtaas sa bilang ng mga nurse sa buong mundo simula 2018, nakapagtala pa rin sila ng 5.9-M na kakulangan sa mga ito.
Binigyang diin ng WHO Chief, partikular na makikita ang nabanggit na kakulangan sa mga pinakamahihirap na bansa sa Africa, Southeast Asia, Middle East at iba pang bahagi ng South America.
Kaugnay nito, nanawagan din si Ghebreyesus na bigyan ng mga kinakailangang suporta ang mga nurse para matiyak din ang kalusugan ng buong mundo.