Maiaayos pa ng Pilipinas ang COVID-19 response nito para lalo pang maiwasan ang pagkalat ng nakahahawang sakit.
Ito’y ayon sa World Health Organization (WHO) kung saan pinuri naman nito ang mga nagawa ng gobyerno para labanan ang COVID-19.
Ayon kay WHO Country Representative Rabindra Abeyasinghe, nagawa naman ng bansa na makapaghanda at magamit sa tama ang mga ipinatupad na lockdown.
Katunayan aniya nito ay nakapagbukas ng maraming laboratories at isolation centers sa iba’t-ibang panig ng bansa.
Dahil umano rito, naiwasan ng Pilipinas na dumami ang bilang ng nasawi dahil sa COVID-19 hindi gaya sa ibang bansa.
Gayunman sinabi ni Abeyasinghe na kailangan pa rin ng tuloy-tuloy na improvement pagdating sa pagtugon sa COVID-19.
Binigyang diin ni Abeyasinghe ang kahalagahan ng pagkakaroon ng agarang detection, isolation at quarantine upang mas lalong bumaba ang bilang ng mga dinadapuan ng COVID-19.