Positibo ang World Health Organization (WHO) na mayroon pang pag-asa para malagpasan ang coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito’y sa kabila ng pagsampa ng bilang ng nasawi dahil sa COVID-19 sa mahigit 750,000 habang nasa 20-milyon na ang bilang ng kaso.
Ayon kay WHO Chief Tedros Adhanom Ghebreyesus, hindi pa masasabing huli na ang lahat para aksyunan at labanan ang COVID-19 crisis na halos gumupo sa buong mundo.
Ani Ghebreyesus, tiyak na marami sa ngayon ang nagdadalamhati bunsod ng mga nawalang mahal sa buhay dahil sa nakahahawang sakit.
Ngunit aniya, nais niyang linawin na mayroon pa ring pag-asa, hindi pa huli ang lahat para makabangon mula rito.
Gaya na lamang umano ng mga bansang nakabangon sa pagkalat ng COVID-19 tulad ng New Zealand at Rwanda.
Binigyang diin din ni Ghebreyesus ang lagi niyang mensahe na supilin ang virus kapag naging epektibo umano ang pagsupil dito, unti-unti na rin makapagbubukas ang bawat komunidad.