May magandang planong nakalatag si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa mga magsasaka ngayong kasagsagan ng El Niño phenomenon.
Ayon sa administrator ng National Irrigation Administration (NIA) na si Eduardo Guillen, whole-of-government approach ang ipapatupad ni Pangulong Marcos sa bansa bilang pagtulong sa mga magsasakang unang naaapektuhan ng tagtuyot.
Halos 100% o doble ang idinagdag na pondo ni Pangulong Marcos para sa NIA. Ayon kay Engr. Guillen, dahil sa ginawang aksyon ng Pangulo, may pondo na sila para sa solar pump irrigation, fertigation, at drip irrigation.
Isang water pumping facility na gumagamit ng solar energy ang solar pump irrigation. Tumutukoy naman ang fertigation sa paghahalo ng fertilizer solutions o pataba sa tubig na mula sa irigasyon; samantalang ang drip irrigation system ay ang paglalagay ng emitters sa lupa na dahan-dahang naglalabas ng tubig.
Bukod sa mga ito, gagamitin ang karagdagang pondo sa pagtatatag ng mga dam sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kaugnay nito, nagbigay ng direktiba si Pangulong Marcos na ipamahagi sa mga apektadong magsasaka ang high-yielding crop seeds. Ayon kay Engr. Guillen, nakikipag-ugnayan na sila sa local government units (LGUs) at Philippine Rice Research Institute (PhilRice) ng Department of Agriculture (DA) upang matiyak na makukuha ng mga magsasaka ang tulong sa lalong madaling panahon.
Maging ang ibang ahensya ng pamahalaan, handang magpaabot ng tulong sa mga magsasaka, kabilang na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Labor and Employment (DOLE).
Sa kabila ng matinding tagtuyot na nararanasan ng bansa, kumpiyansa si Engr. Guillen na magkakaroon ng matatag na suplay ng bigas ang bansa. Aniya, simula Oktubre noong nakaraang taon, may koordinasyon na sa pagitan ng local at national agencies upang paghandaan ang El Niño.
Sabi nga ni Pangulong Marcos, seryosong problema ang nararanasang matinding tagtuyot ng bansa, kaya panawagan niya sa bawat Pilipino, magtulungan upang mapaghandaan ang epekto nito.