Kinansela ni Indonesian President Joko Widodo ang pagdalo nito sa APEC Economic Leaders’ Meeting sa susunod na linggo.
Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Laura del Rosario, may mga mahalagang bagay na kailangang asikasuhin ni Widodo sa Indonesia kaya’t ang kanyang Minister of Trade ang padadaluhin sa susunod na linggo.
Masyado aniyang mahigpit ang schedule ni President Widodo at kailangan din nitong tutukan ang matinding problema ng haze sa Indonesia.
Si Widodo ay manggagaling sa G20 meeting sa bansang Turkey, at susundan ito ng nakatakdang pagdalo sa ASEAN Summit sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Sinabi ni Del Rosario na sa pagitan aniya ng mga biyahe nito ay kailangang bumalik ng Indonesia para asikasuhin ang problema sa haze na nakaapekto na rin ng malaki sa ilang siyudad.
Bukod kay Indonesian President Joko Widodo, hindi rin makadadalo sa APEC Leaders’ Meeting si Russian President Vladimir Putin.
Gayunman, ipinabatid ni Dmitri Peskov, tagapagsalita ni Putin na magiging kinatawan sa APEC ng kanilang lider si Prime Minister Dmitri Medvedev.
Nabatid na may mga naunang commitment ang Russian President kaya hindi makapupunta sa Maynila para sa nasabing leaders’ meeting.
Si Putin ang ikalawa sa mga lider na nagpahayag na hindi makadadalo sa APEC Summit.
By Meann Tanbio | Aileen Taliping (Patrol 23)