Ang wika ay susi para tayo ay magkaunawaan.
Ang wika rin ang siyang nag-uugnay sa isang bansa kaya dito nagmula ang pagkakaroon ng pambansang wika.
1936 nang itatag ang surian ng wikang pambansa na ngayon ay mas kilala bilang KWF o Komisyon ng Wikang Filipino.
Itinatag ito alinsunod sa Batas Commonwealth bilang 104 na nilagdan ni Pangulong Manuel Quezon.
Ang KWF ang pumili sa Tagalog bilang wikang pambansa ng Pilipinas.
Pagsapit naman ng taong 1959 ay napalitan ito ng Pilipino.
At alinsunod sa Saligang Batas noong 1973, pinalitan ang Pilipino ng Filipino.
Subalit, sa kasalukuyan, may mga salitang naibaon na sa limot, may ibang salita na hindi na maunawaan ng nakararami, may umuusbong, may bumabalik ngunit may iba nang pakahulugan.
Ano ang Komisyon ng Wikang Filipino?
Sa kasalukuyan, Filipino ang kinikilalang pambansang wika ng Pilipinas.
Ang KWF o Komisyon ng Wikang Filipino ang siyang naatasan sa pagpapalaganap at pagpapaunlad ng wikang Filipino at mahigit isandaang katutubong wika.
Ayon kay RR Cagalingan, tagapagsalita ng Komisyon ng Wikang Filipino, ang KWF ang natatanging ahensyang pang wika sa ilalim ng tanggapan ng Pangulo.
Tungkulin ng KWF na paunlarin ang wikang Filipino.
Agosto 14, 1991, itinatag ang KWF sa bisa ng Batas Republika 7104.
Ang Komiksyon ng Wikang Filipino ay nagsimula bilang SWP o Surian ng Wikang Pambansa o National Language Institute na kalaunan ay naging Institute of National Language.
Itinatag noong 1936, sa bisa ng Batas Komonwelt Bilang 184, ang Surian ng Wikang Pambansa ay naatasang magsagawa ng pag-aaral ng mga diyalekto sa bansa para magpaunlad at magpatibay ng isang pambansang wikang batay sa isa sa mga umiiral na wika.
Taong 1937, napili ng SWP ang Tagalog bilang batayan ng pambansang wikang Filipino.
Matapos nito, naglathala ang SWP ng balarila ng wikang pambansa at mga diskyunaryo’t tesoro.
Ang SWP ay naging linangan ng mga wika sa Pilipinas o Institute of Philippine Languages noong 1987 nang pirmahan ni Pangulong Corazon Aquino ang Atas Tagapagpaganap o Executive Order No. 117.
Matapos ang apat na taon, pinalitan ng Komisyon ng Wikang Filipino ang LWP o Linangan ng mga Wika sa Pilipinas.
Binubuo ang komisyon ng iba’t ibang mga kinatawan ng iba’t ibang wika at ethnolinguistic regions sa Pilipinas.
Ilan lamang sa mga ginagawa ng komisyon ng wikang Filipino ay ang pagsasalin sa Filipino ng mga dokumento o teksto, at pananaliksik ukol sa wikang Filipino
Nagsasagawa rin ang KWF ng mga fora, palihan, at kumperensiya sa buong bansa.
Kasama rin sa tungkulin ng KWF ang paglilimbag ng mga diksyunaryo, manwal, gabay, at koleksyon ng mga panitikan.
Ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod: ortograpiyang pambansa, manwal sa masinop na pagsulat, bisayan grammar and notes, gabay ng mga senior citizen, kaalamang-bayan ng cordillera, at panitikang meranaw.
Filipino ang ginagamit na wika sa lahat ng opisyal na komunikasyon ng KWF.
Sinusunod din ng KWF ang nakasaad sa Atas Tagapagpaganap Bilang 335 na lahat ng mga opisina ng pamahalaan ay magsagawa ng mga hakbang para magamit ang Filipino sa mga opisyal na transaksiyon, komunikasyon, at korespondensiya.
Sinabi ni RR Cagalingan, dahil ang wika ay nagbabago, ang wikang Filipino ay nagkaroon ng pag-unlad bilang wikang pambansa.
Sa katunayan, aniya, ilan sa mga salitang katutubo ay naging bahagi na ng wikang Filipino.
Sa takbo po ng ating wikang pambansa halimbawa tignan natin yung focus ng wika ngayon, halimbawa po yung ginagamit po nating salita para sa hustisya o katarungan mula po yan sa mga Cebuano.
Ilan lamang po yan sa mga maaring talagang lumahok yung mga katutubong wika natin at yun po yung gusto naming mangyari kasi nga po araw-araw nagkakaroon ng pagbabago, araw-araw umuunlad yung wika at para sa mga kapatid [na katutubo] po natin ay sana po ay lumahok sila.
Binigyang-diin ni Cagalingan na dapat linangin ang wikang Filipino.
Magagawa lamang aniya ito kung tututukan ang tatlong “K”.
Una wika po ito ng KAISAHAN, dahil nga po ito ay national language wika po itong nagdidikit satin sa harap po ng pagkakaiba ng mga wika natin meron tayong isang wika na nauunawan ng karamihan at tumatayong lingua franca ng Pilipinas.
Pangalawa po wika rin po ito ng KAUNLARAN, kumakatawan dun yung gaano kalusog yung wika mo at mithiin mo para sa wika mo nakakabit din mithiin mo pang-ekonomiko at pangkaunlaran sa isang bansa.
At yung pangatlo po wika ng KARUNUNGAN ng Pilipino napakahalaga po nito na naipalaganap natin bilang wikang intelektualisado ibigsabihin ginagamit po siya sa ibat- ibang larangan, ibat- ibang field dahil katulad din po ibang bansa meron silang wikang pambansa na ginagamit nila sa teknolohiya na ginagamit nila sa industriya, ginagamit nila sa politika na ginagamit nila sa pilosopiya.
Hindi maikukubli na sa pag-usbong ng modernong teknolohiya at makabagong paraan ng komunikasyon tulad ng text messaging at social media gayundin ng jejemon at ilang terminong pang-milenyal, masasalamin pa rin ang pagiging malikhain ng mga Pilipino.
Ayon kay Cagalingan, patunay ito na buhay na buhay ang wika lalo’t may partisipasyon sa ibat ibang grupo sa ating lipunan.
Dagdag pa ni Cagalingan, katanggap-tanggap na rin ang wika ng mga LGBT o Lesbian, Gay, Bisexual and Transgender.
Masasabing maunlad ang wika kung nagagamit sa iba’t ibang larangan.
Samantala, isusulong ng Komisyon ng Wikang Filipino na magamit ang wikang Filipino sa ilang asignatura tulad ng science o agham.
Guro sa pagtuturo ng asignaturang Filipino
Ayon sa artikulo na may pinamagatang “Ingles: Daluyan ng Diwang Pilipino”, ang wikang Pilipino ay nagbabago lalo na sa bokabularyo nito, unang-una dahil sa impluwensya ng Kastila at Ingles at ng ibang wika sa Pilipinas.
Ang bunga ng mga pagbabagong ito ay ang paglaki ng pagkakaiba ng Pilipino sa Tagalog at sa kabilang dako naman, ang paglaki ng pagkakahawig ng Pilipino sa mga wikang di-Tagalog.
Sa Pilipinas, ang pagtuturo ng Filipino bilang asignatura ay nakapokus sa gramatika.
Teacher Elin
Halos siyam na taon nang nagtuturo sa PCLC o Pagrai Community Learning Center si Elinor Olicia.
Taong 2009 nang nagsimulang magturo si Teacher Elin sa PCLC.
Karaniwan sa mga nahahawakan niyang estudyante ay mula ika-apat na baitang hanggang ika-anim na baitang.
Ayon kay Teacher Elin, kabilang sa mga asignaturang kanyang itinuturo ay Filipino.
Aminado si siya na mahigpit siya sa pagtuturo lalo na sa tamang paggamit ng bantas sa pagbuo ng pangungusap.
Aniya, sa paggawa rin ng sulating pansanay, kalimitan sa pagkakamali ng mga estudyante ay ang tamang paggamit ng indention.
Maging sa pag-i-spelling, halimbawa ng Tagalog word, siya ay mabusisi.
Ngayong nauso ang millenial word gaya ng pak ganern, beh, don’t me at hugot, sinabi ni niya na sinisikap pa rin nilang matutunan ng mga mag-aaral ang wikang pambansa.
Aminado rin si Teacher Elin na nahihirapan siya sa pagtuturo sa Filipino, pero ginagawa aniya niya ang lahat ng kanyang makakaya upang maipaunawa sa mga mag-aaral ang bawat bahagi ng salita.
Teacher April
Nagtapos naman si April Perez ng batsilyer at masterado sa Linguistics.
Si April ay kasalukuyang assistant professor sa departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas sa Unibersidad ng Pilipinas.
Kasalukuyan siyang kumukuha ng doctorate degree sa Filipino, kung saan ang kanyang major ay istraktura ng wikang Filipino.
Sa pananaw ni UP Assistant Professor April Perez, batid naman ng lahat ng sambayanang pilipino ang wika.
Gayunman, hindi aniya lahat ay gumagamit ng ating sariling wika sa lahat ng pagkakataon.
Aminado si April na nakaapekto sa wika ang pag-usbong ng makabagong teknolohiya.
Aniya, may pagkakataon talaga na ingles ang nangingibabaw.
Ang kagandahan, ayon kay April, may mga bagong salita na nadagdag sa ating bokabularyo bunga ng pagbabago.
Inihalimbawa nito ang paggamit ng hashtag sa social media.
Dito aniya makikita kung ang hashtag bang ginamit ay sa wikang Filipino o Ingles.
May impluwensya ang wikang banyaga kesa sa ating sariling wikang pambansa, bunga ng teknolohiya.
Idinagdag pa ni Teacher April na kung mataas ang exposure sa teknolohiya at madalas ay Ingles pa ang wikang ginagamit, mas madali itong naa-adapt ng mga kabataan.
Tiyak aniyang maaapektuhan ang pagkatuto ng mga kabataan sa sariling wika.
Binigyang-diin pa nito na may tamang paggamit ng salita na itinuturo sa mga paaralan at maging sa akademya.
Aniya, umiiral pa rin ang diskriminasyon sa wika.
Posibleng sa ilang lugar ay may mga tunog na nagpapalitan, halimbawa ang patinig na “e” at “i” at maging sa “o” at “u”.
Aniya, hindi dapat tignan na ito ay mali.
Halimbawa sa wika ng mga Bisaya, ganoon talaga ang pagbigkas at tama ang paraan ng pagbigkas nila sa isang salita.
Naniniwala si April na kaya’y mayroong diskriminasyon sa wika, ito’y sa kadahilanang may grupong mataas ang tingin sa wikang kanilang sinasalita.
Aniya, ang wika sa buong mundo ay pantay-pantay.
Dapat kilalanin ang bernakular na wika at hindi dapat tignan na ito ay mali.
Giit pa ni Teacher April, huwag ikumpara ang wika mo, sa wika ng iba dahil walang pang intelektwal o pang mang-mang dahil lahat ay pantay pantay.
“Filipino: Wikang Mapagbago”
Ngayong Agosto 2017, ang tema ng buwan ng wika ay “Filipino: Wikang Mapagbago”.
Ang temang ito ay nakaakma hindi lamang dahil sa ito ang nagsisilbing mantra sa kasalukuyang administrasyon.
Ito’y dahil na rin sa katotohanang ang wikang Filipino ay patuloy na yumayaman dahil na rin sa mga pagbabago sa ating lipunan.
Ayon kay Deaprtment of Education (DepEd) Undersecretary Jesus Mateo, batay sa inilabas na Memorandum No. 58 ng kagawaran, kabilang na sub-tema ng pagdiriwang ngayong buwan ng wika:
Una, wikang Filipino, susi sa pagbabago;
Pangalawa, pangangalaga sa wikang katutubo, pagpapayaman sa wikang Filipino;
Pangatlo, wikang Filipino: Wika ng maka-Filipinong saliksik;
At panghuli, pagsasalin, mahalaga sa bago at mapagbagong karunungan.
Binigyang diin niya na ang pagpapatupad nito ay alinsunod sa proklamasyon bilang 1041.
Gayundin, ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay kinatatampukan ng sabayang pagbigkas, paglikha ng jingle, pagsulat ng sanaysay, paggawa ng slogan at poster, pagtatalumpati at iba pa.
Ani Mateo, ang wika ang dahilan kung bakit nagpatupad sila ng mother based multi-lingual education.
Ipinatutupad na rin aniya ang mother tongue mula kinder hanggang grade 3.
Batay aniya sa rekomendasyon ng UNESCO, mas mainam ang paggamit ng mother tongue sa pag-unawa ng mga kabataan sa mismong konteksto.
Kung nakasanayan na ipagdiwang ang Buwan ng Wika sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga patimpalak, gaya ng sabayang pagbigkas, deklamasyon, at iba pang contest na kadalasang ginagawa sa mga paaralan.
Isa namang mas makabagong patimpalak at kampanya na rin sa social media na kapupulutan ng mga bagong kaalaman tungkol sa mga wika, akda, at kulturang Filipino ang sinimulan ng premyadong manunulat na si Edgar Calabia Samar.
Sa pamamagitan ng paggamit ng #BuwanNgMgaAkdangPinoy sa mga post sa social media na nagbabahagi tungkol sa mga paboritong akdang nilikha ng mga manunulat na pilipino, mas mabilis na makikita at madidiskubre ng iba pang netizens ang mga maaari pa nilang makilalang libro, tula, pelikula, teleserye, at iba pa.
Sa kanyang website na Santinakpan, hinihikayat ni Edgar Calabia Samar ang publiko na ipakita ang suporta at pagmamahal sa mga akdang Pinoy sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga ito.
Aniya, ipakita natin na hindi kayang lupigin ng mga digmaan at karahasan ang ating kamalayan at may mga positibong bagay na maaari pang pag-usapan sa social media tulad ng patuloy na pagkatha at paglikha ng mahuhusay na akdang Pinoy sa kabila ng mga hamon at limitasyon ng ating kondisyon at panahon.
Sinimulan ng makata at nobelistang si Edgar Calabia Samar ang kampanyang ito noong 2015 bilang pagbibigay-pugay sa mga manunulat na Pinoy at bilang pasasalamat sa mga akdang humubog sa kanya at kanyang nabasa sa kanyang pagtanda.
Maliban sa mga bagong kaalaman, nagbibigay rin ng papremyo para sa pinakamalikhaing larawan, pinakamahusay na written post, pinakamahusay na video, pinakamaraming share/like,RT, at pinakamahusay na themed post.
Ang nabanggit na patimpalak ay gaganapin nang isang buong buwan, araw-araw ngayong Agosto.
Alam mo na?
Nakababahala na mas bihasa sa INGLES ang mga kabataan kesa sa wikang Filipino.
Hindi dapat talikuran ang wikang pambansa dahil kapag nawala ang wika, kasabay nitong namamatay ang nililinang nitong kultura
‘Ika nga ng national artist na si Virgilio Almario, ang wika ay tinatawag na depository ng karunungan ng isang lahi.
Ang pagmamahal sa sariling wika ang siyang dapat mamayani at pagyamanin sapagkat may tatak tayo ng pagiging isang Pilipino.
PAKINGGAN: Kabuuang audio ng SIYASAT