Mahigpit nang ipinatitigil ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang pagpapatupad ng ‘window hour’ o pagbalik ng mga residente sa kani-kanilang mga bahay sa loob ng apat na oras para kumuha ng mahahalagang gamit o pakainin ang kanilang mga alagang hayop.
Sinabi sa DWIZ ni DILG Undersecretary Epimaco Densing na mahalaga ang kaligtasan ng mga residente lalo pa’t nananatili sa Alert Level 4 ang Bulkang Taal na nangangahulugang nakatakda itong sumambulat anumang oras.
Pinatitigil na ho, officially, kasi nung una parang humanitarian reason –para mabalikan nga ‘yung mga gamit t’yaka mga hayop o mga alaga ng mga residente do’n, pero ngayon ho, ang directive, ang guidance ni Secretary Año –which we all agree is ‘wag na talagang pabalikin, kasi po ang Alert Level 4, ang ibig sabihin no’n, anytime pwedeng pumutok at nakita na natin ito noong Linggo –bigla nalang pumutok ang Taal Volcano,” ani Densing. —sa panayam ng Ratsada Balita
Talisay vice mayor may kalalagyan —DILG usec
May kalalagyan si Vice Mayor Charlie Natanauan ng Talisay, Batangas.
Ito, ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Epimaco Densing, ay kapag itinuloy ni Natanauan ang pahayag nitong pabalikin na ang kaniyang constituents dahil kumalma naman na anito ang Bulkang Taal.
Binigyang diin sa DWIZ ni Densing na national government na ang masusunod kung ang nakasalalay ay pampublikong kaligtasan.
Salita pa lang naman ‘yon, pero kung ginawa niya nang makatotohanan, pinatotohanan niyang actual siyang nagviolate ng direktiba, mayroon ho siyang kalalagyan na kaso. Pagka public safety o public interest na ho ang pinag-uusapan dito, labas na dito ang isyu kung sino ang, kumbaga, namamahala sa isang lugar,” ani Densing. —sa panayam ng Ratsada Balita