Ano ang nakikita mo sa future? Ito ba ay robots? Mga lumilipad na sasakyan? O kaya naman kakayahan na kontrolin ang gadgets gamit lang ang utak?
Mukhang hindi na tayo nalalayo sa ganitong uri ng future dahil ngayon, matagumpay nang nai-test ang isang wireless brain chip sa tao sa unang pagkakataon.
Ang Neuralink ay isang brain-chip startup na binuo ni Elon Musk at ng ilang scientists at engineers noong 2016.
Lumikha sila ng isang coin-sized chip na may ultra-thin wires na ilalagay sa cerebral cortex ng utak. Dito, ire-register ng electrodes ang iyong thoughts na may kaugnayan sa motion o paggalaw at ipapadala sa isang device, katulad ng smartphone.
Layon ng Neuralink brain chip na makontrol ng mga tao ang kanilang phones o computer sa pamamagitan ng utak.
Bukod dito, matutulungan din ng naturang brain chip ang mga may neurological disorders katulad ng stroke at epilepsy; pati na rin ang mga may brain o spinal cord injury dahil ilalagay ito sa bahagi ng utak na kumokontrol sa kanilang motor function.
Sa katunayan, ang mga unang makakagamit ng brain chip ay ang mga taong hindi na nakakalakad.
Ayon kay Musk, nagawa ng pinakaunang human test subject ng Neuralink na kontrolin ang mouse ng computer gamit lang ang pag-iisip. Wala namang naitalang side effects sa isinagawang clinical trial.
“Future of technology and medicine” kung ituring ang Neuralink, ngunit hindi mawawala ang ethical concerns sa paggamit nito, dahil na rin pinakikialaman nito ang natural na daloy ng mundo.