Naniniwala ang Malakanyang na walang kahahantungan ang mga pasabog ng witness na inilutang ni Senadora Leila de Lima laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, walang mangyayari sa mga akusasyon ni Edgar Matobato dahil nakabatay ito lahat sa kasinungalingan at kuwentong barbero at inaming walang makapagpapatunay sa mga inilahad nito.
Marami anyang puwedeng isipin sa motibo nang paglutang ni Matobato subalit batid naman ng publiko na puro kathang-isip lamang ang akusasyon kaya’t walang dapat na ipangamba ang mga sumusuporta sa Pangulo.
Naunang inihayag ni Senador Allan Peter Cayetano na layunin ni De Lima na patalsikin si Pangulong Duterte sa puwesto kaya’t inilabas si Matobato pero malabo naman itong magtagumpay.
Aminado si Panelo na sa halip magalit ay natutuwa siya sa nangyari dahil nakita ng publiko kung paano nagkalat ng kasinungalingan ang self-confessed hired killer umano ni Duterte sa Senado at kahit ano pa ang gawin ng mga kalaban ay hindi magtatagumpay ang balak na patalsikin ang Pangulo.
By: Drew Nacino / Aileen Taliping