Nakalulungkot na humantong na sa isyu ng sampalan ang pakikipagpatutsadahan ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte kay dating Interior Secretary Mar Roxas.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni dating North Cotabato Governor Manny Piñol na hindi na dapat umabot sa matinding “word war” ng dalawang presidential aspirant ang usapin kung saan nagtapos ng pag-aaral si Roxas.
Ayon kay Piñol, sa kanyang tingin ay hindi mahalaga sa mga mamamayan kung saan nanggaling na eskwelahan si Roxas dahil hindi ito ang gustong marinig ng mga Pilipino.
“What matters to the ordinary Filipino right now is who among these Presidential candidates could address the problems of criminality, drugs, yung kawalan ng trabaho, yung kawalan ng respeto na ng tao ngayon sa gobyerno, I’m sad that we get sideline by petty issues like this.” Pahayag ni Piñol
Una rito ay hinamon ng sampalan ni administration bet Mar Roxas ang kanyang katunggaling si Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Kaugnay ito sa naging pagbubunyag ng alkalde na wala umano itong business degree sa prestihiyosong Wharton School of Economics.
Ayon kay Roxas, magpapasampal umano siya kay Duterte kung mapatutunayan nitong peke lamang ang kaniyang naging pagpasok sa nasabing paaralan.
Ngunit, kung siya naman aniya ang makapagbibigay ebidensya na nagtapos nga siya sa Wharton, siya umano mismo ang sasampal sa alkalde.
Una nang hinamon ni Duterte si Roxas na magpakita ng larawang nagtapos nga siya sa Wharton kasama ang kanyang ina.
By Jelbert Perdez | Balitang Todong Lakas | Jaymark Dagala