Nanawagan si Makati Representative Abigail Binay sa kampo ni Senator Grace Poe na tuldukan na ang ‘word war’ sa pagitan niya at ng kanyang amang si Vice President Jejomar Binay.
Tumindi ang patutsadahan sa pagitan nina Binay at Poe matapos kuwestiyunin ni Navotas Representative Toby Tiangco ang residency ng senadora.
Ayon kay Rep. Binay, kaya siya nagpasyang magsalita ay dahil ayaw na niyang lumala pa ang sitwasyon partikular na ang mga atake ng mga ito sa isa’t isa.
Subalit, sinabi naman ng mambabatas na tatanggapin nila anuman ang kahinatnan ng samahan ng kanyang ama at ni Poe.
“Kung sa huli ay magkahiwalay ng landas sa pulitika ang tatay ko at si Sen. Grace Poe ay wala po kaming magagawa, igagalang po namin ng buong puso ang kanyang pagpasya.” Ani Binay.
Ipinagtanggol naman ni Rep. Binay ang kanyang ama laban sa committee report ng senado na nagrerekomendang sampahan ng kasong plunder si VP Binay at iba pa kung saan lumagda si Poe.
“Karapatan ko at karapatan ng kahit na sino na kuwestyunin ang nilalaman ng committee report at ng basehan nito, bilang isang mambabatas ay iisa lamang ang hamon ko, sana ay kaya nilang tayuan, panindigan at idipensa ang bawat isang paratang na nakalahad sa aking ama.” Pahayag ni Binay.
By Jelbert Perdez