Ipinag-utos ng Department of Labor And Employment (DOLE) ang work stoppage sa construction project sa Skyway extension site sa Muntinlupa sa pagbagsak ng steel grider nuong Sabado na ikinasawi ng isa katao at ikinasugat ng apat na iba pa.
Ang kautusan ng DOLE-NCR ayon kay labor spokesperson Rolly Francia ay sumasakop sa buong kahabaan ng nasabing proyekto o mula Susana Heights sa Muntinlupa City patungong Sucat sa Parañaque.
Sinabi ni Francia na ang hakbang ay para bigyang daan ang imbestigasyon upang malaman ang mga paglabag na nagawa sa construction site at alamin din ang hawak na lisensya ng contractors at sub-contractors bukod sa kung may paglabag sa labor and safety standards.
Ang suspensyon aniya ay tatagal hanggang i-lift ito ng regional office o makumpleto ang imbestigasyon sa nasabing insidente.
Ipinabatid ni Engr. Noel Binag, executive director ng Occupational Safety and Health Center ng DOLE na makikita sa mga video na walang traffic enforcers at warning signs sa lugar nang mangyari ang insidente.
Inihayag ni Binag na kailangang magsumite ang kumpanya ng incident report sa dole sa loob ng 24 oras para hindi maharap sa multa.
Kapag natanggap na ang incident report ipinabatid ni Binag na kaagad nilang iba validate ang report bago gumawa ng technical report na maaaring gamitin ng pamilya ng mga biktima sa paghahain ng reklamo.