Nakahanda ang World Bank na magpaabot ng tulong sa Pilipinas kasunod ng nangyaring dalawang pagsabog sa Jolo, Sulu na ikinasawi ng hindi bababa sa labing walo (18) katao kahapon.
Ayon sa World Bank, kanilang ikinalungkot ang nasabing marahas na pag-atake na sumira sa katatapos pa lamang na mapayapa at matagumpay na plebisito sa Bangsamoro Organic Law (BOL).
Kasabay nito, nagpaabot din ng pakikiramay ang World Bank sa mga naulilang pamilya ng mga nasawi gayundin sa mga nasugatan sa pagsabog.
Handa anila silang magpaabot ng suporta sa Pilipinas sa pamamagitan ng kanilang matagal at patuloy na pakikiisa para sa kapayapaan at kaunlaran ng Mindanao.
—-