Ready, steady, slow.
Sa halip na mabibilis na sasakyan, kabayo, o kaya naman ay tao, mga snail o suso ang bida sa kakaibang karera na idinaraos sa Norfolk, England.
Kahit umuulan, maraming residente at turista ang nagtipon-tipon upang panoorin ang mahigit 150 snails na sumabak sa taunang World Snail Racing Championships.
Nagsimula ang World Snail Racing Championships noon pang 1960s sa Congham, Norfolk matapos makapanood ang founder nitong si Tom Elwes ng snail racing event sa France.
Ang kaibahan dito, inaalagaan ng mga taga-Norfolk ang mga suso; hindi katulad sa France na kinakain ang mga ito matapos ang karera, maliban na lamang sa maswerteng nanalo.
Sa karera, inilalagay ang mga suso sa isang basang mesa na may pabilog na linya at may sukat na 13 inches.
Dito, mag-uunahan silang makaabot sa finish line.
Bagama’t katuwaan lamang, maraming nagseseryoso sa karerang ito kung saan isinasailalim pa sa ilang linggong training ang mga suso.
Ngayong taon, nasungkit ng susong si Jeff ang world championship title matapos niyang makarating sa finish line sa loob ng 4 minutes and 5 seconds.
Sa kasamaang palad, hindi niya na-break ang world record ni Archie noong 1995 kung saan tinapos niya ang karera sa loob lamang ng dalawang minuto.
Gayunman, tila nasiyahan si Jeff sa kanyang premyong lettuce, habang nakatanggap ng tropeo ang kanyang trainer.
Ipinagkaloob naman sa simbahan ang nalikom na pera sa karera na tinatayang aabot sa £500 o higit P37,000.
Sa kabila ng mabagal na takbo ng karera, hindi maikakailang naghatid ng kasiyahan at pagkakaisa ang World Snail Racing Championships sa komunidad.