Tiyak na malungkot ang mga Filipino ‘Beliebers’ sa pagkansela ng Canadian pop singer na si Justin Bieber sa mga nalalabi pang bahagi ng kanyang Purpose World Tour Concert.
Apektado ng kanselasyon ng kanyang show ay ang mga nakatakda sa North America at Asya kabilang ang sa Pilipinas na gaganapin sana sa September 30.
Batay sa ipinalabas na pahayag ng publicists ni Justin, dahil sa hindi nila tinukoy na ‘unforeseen circumstances’ ay nagpasya silang itigil na ang natitira pang show ng pop singer.
Ayon sa pahayag, mahal ni Justin ang kanyang mga fans at nagpapasalamat siya sa suporta at sa mga nakiisa sa kanyang mahigit isang daan (100) na mga konsyerto sa loob ng 18 buwan.
Subalit matapos ang masusing pagsasaalang-alang sa sitwasyon ay nagpasiya ang pop singer na huwag na munang mag-perform sa mga nalalabing araw ng kanyang world tour.
Tiniyak naman ng promoter ng konsyerto ni Justin sa Pilipinas na Music Management International na magkakaroon ng refund para sa mga nakabili na ng tickets.
By Krista de Dios
World tour ni Justin Bieber kasama ang concert sa Pilipinas kinansela was last modified: July 25th, 2017 by DWIZ 882