Maaaring maapektuhan ng pagkakaroon ng tsunami ang lahat ng coastal areas o mga lugar na malapit sa dagat sa bansa.
Ito’y kadalasang nagaganap mula sa under-the-sea earthquakes o matapos ang paggalaw sa ilalim ng dagat dulot ng iba’t ibang mga likas na kaganapan katulad ng mga lindol, pagsabog ng bulkan, mga pagguho ng lupa at mga meteorite.
Ang mga alon ay maaaring magbiyahe sa bukas na dagat nang kasing bilis ng 450 milya bawat oras kaya’t mahalagang malaman at mapansin agad ang mga natural na senyales nito.
Kabilang sa natural signs na mayroong paparating na tsunami ay ang pagkakaroon ng malakas na lindol; hindi pangkaraniwang pagtaas ng tubig o pagkawala ng tubig sa dalampasigan; at malakas na dagundong ng mga alon sa dagat.
Idineklara ng United Nations ang November 5 bilang World Tsunami Awareness Day bilang pagkilala sa isang tunay na istorya mula sa Japan: “Inamura-no-hi”, na ang ibig sabihin ay “burning of the rice sheaves“.
Kwento nito, noong taong 1854 kung saan nagkaroon ng malakas na lindol, isang magsasaka ang nakasaksi ng hindi pangkaraniwang pagtaas ng tubig dagat [na senyales ng paparating na tsunami] kaya’t sinunog nito ang kanyang inaning palay bilang babala sa mga residente at lumikas na sa mas mataas na bahagi ng kalupaan.
Itong taong ding ito ang ika-25 anibersaryo ng 1994 Mindoro earthquake at tsunami.
Ika-15 ng Nobyembre, taong 1994, dakong 3:15 AM, nang yanigin ng magnitude 7.1 na lindol at tsunami ang Mindoro na lubhang nagdulot ng pinsala sa mga bayan ng northern Mindoro at nag-iwan ng 78 kataong nasawi.
Hindi mapipigil o mahahadlangan ang pagkakaroon ng tsunami, ngunit maaari nating mabawasan ang epekto nito sa pamamagitan ng pagiging handa ng komunidad, nasa oras na mga babala, at pagkakaroon ng karampatang aksiyon.